Umulan man o umaraw, hindi patitinag ang mga representante ng iba’t ibang tribu sa pagpapakitang gilas sa kanilang mga natatanging talento. Suot nila ang kani-kanilang makukulay na damit at dala ang ang mga kakaibang instrumento. Ito ang nagsilbing tanawin ng isang bahagi ng Dayaw Festival na tinatawag na Intimate Performances.
Ang nasabing pangyayari ay binubuo ng apat grupo. Bawat isa sa kanila’y ibinigay at ipinakita ang mga makatindig balahibong pagganap. Ang unang sumabak sa indakan ay ang tribung Manobo. Sila’y pawang nakasuot sa pulang damit na binibuo ng mahigit walo katao. Biruin mo kabilang sa mga nagtutugan sa kanila ay isang bata na nasa anim na taong gulang. Napakadali lang para sa kanila na mag-iba ng tono ng musika mula sa malumanay ay naging mabilis ang tempo ng tugtog.
Napatigil ng sandali ang pangayayri ng biglang bumuhos ang ulan ngunit nang ito’y tumila na ay nagpatuloy muli ang palabas. Ang sumunod na tribu ay ang Ata Manobo na pinangunahan ng pag-awit ng isang batang lalaki at sinundan ng pagsayaw ng isang babae at lalaki na may saliw na musika. Ang ikatlo naman ay ang Kagan. Sila’y minsang binansagan bilang “Kalagan” at kilala bilang “alert and disciplined tribe”. Sila nga’y minsang sumali sa Pilipinas Got Talent at ang ipinakita nilang pagganap ay kapiraso lamang ng tunay nilang palabas. Sa kanilang pagsayaw ay walang kasamang musika kundi ang tunog lamang ng kanilang hawak-hawak na kawayan. Parang tumigil sandali ang oras ng nagsimulang iangat ng dalawang lalaki ang isang babae na nakapatong lamang sa dalawang kawayan. Napatulala ang lahat at hindi mawala sa isip ang kaba na baka mahulog ang nasabing babae ngunit sila’y napakagaling at napanatili nila ang kanilang balanse.
Ang huli ngunit hindi nagpatalo sa indakan ay ang mga Ifugao. Unang pagpasok pa lamang ay agaw pansin na sa mga mata dahil sa kanilang suot. Sa lahat ng mga tribu sila lamang ang may mga lalaking naka-bahag. Hangang-hanga ang mga manonood dahil sa napakasabay nilang kumilos sabay sa hampas ng kanilang mga instrumento. May isang parte doon na sumabay ang mga tao sa kanilang awit na nangangahulugang paghingi ng basbas at pasasalamat sa lungsod ng Tagum sa mainit na pagtanggap sa kanila. Kasabay sa awit na ito’y nagsimula ng magsayawan at kinuha nila ang asawa ng ating lungsod na si Gng. Alma Uy at iba pang mga manonood. Sumabay naman sila sa indak at nakaaliw silang tignan.
Namangha, natuwa at naaliw ang mga taong nakapaligid sa kanila. Kitang-kita ang ngiti sa kanilang mga mukha ni tila mga baba’y nakanganga. Sa bawat kilos ay nakikita ang disiplina nila sa kanilang tradisyon. Hindi magkamayaw ang mga tao, ang iba’y sumisigaw at ang iba nama’y tumili at pumlakpak. Sila’y dinadala sa himig ng kanilang musika patungo sa isang paraiso. text by Chique Lou Cabellon and Faith Agullana (student writers TCNHS) photos by Francis Abrenica